Bureau of Soils and Water Management - Department of Agriculture of the Republic of the Philippines

03/12/2026 | News release | Distributed by Public on 03/11/2026 18:33

Tagumpay ng ABFS-Corn, Ipinamalas sa Harvest Festival sa Abra de Ilog, Occidental Mindoro

Sinalubong ang buwan ng Pebrero ng masagana at matagumpay na pag-aani ng mais sa ginanap na Harvest Festival at Farmers' Field day noong Pebrero 3 sa Barangay Cabacao, Abra de Ilog, Oriental Mindoro, na dinaluhan ng mga opisyal ng iba't ibang tanggapan at ahensya sa pangunguna nina Provincial Agriculturist Engr. Alrizza C. Zubiri at mga Sangguniang Bayan members na sina Hon. Jojo Nieva, Hon. Arlyn Montenegro, at Hon. Maybelle Ramos; at Punong Barangay Hon. Roche A. Gutierrez.

Pinangunahan ng mga opisyal at miyembro ng Cabacao Unlad Saka SLP Association (CUSSLPA) kasama ang mga kawani ng DA-BSWM Soil Survey Division sa pangunguna ni Mr. Marcelo P. Dayo, at nang Municipal Agriculturist sa pamumuno ni MA Julia A. Amodia, ang selebrasyon ng matagumpay na ani mula sa 100-ektaryang corn cluster na saklaw ng Adaptive Balanced Fertilization Strategy (ABFS).

Naging sentro ng pagdiriwang ang bunga ng sipag at pagtitiyaga ng mga magsasaka, gayundin ang makabuluhang pagtaas ng ani na nakamit sa pamamagitan ng mga kaalamang ibinahagi hinggil sa tamang uri, tamang dami, at tamang timing ng paglalagay ng pataba na angkop sa kanilang lupa at tanim. Sa inisyal na datos na nakolekta, base sa crop cut ay umabot sa 9.3 tonelada bawat ektarya, pasok sa target na 8 hanggang 10 tons bawat ektarya para sa option na combo 3.

Sa kabila ng mga hamon ng pagsasaka, ipinamalas ng mga kasapi ang kahanga-hangang katatagan at dedikasyon. Ang kanilang aktibong pagtanggap sa ABFS ay tinumbasan ng matibay na suporta, pakikilahok, at patuloy na paggabay mula sa mga ahensya ng pamahalaang lokal at panlalawigan, na nagpatibay sa tagumpay ng proyekto.

Sa kanilang mga mensahe ng pasasalamat at pagsuporta, ibinahagi ng mga magsasaka na malaki ang naitulong ng nasabing proyekto sa kanilang kabuhayan at pagtugon sa mga pang-araw-araw na pangangailangan. Ipinahayag din nila ang kanilang hangaring ipagpatuloy, sa kanilang sariling kakayahan, ang wastong pagpapataba upang mapanatili ang kalusugan ng lupa, matiyak ang mataas na ani, at maisulong ang mas maayos na paggamit ng inputs upang maging akma ang paggastos sa produksyon.

Lubos na ipinagpasalamat ng DA-BSWM ang patuloy na pakikiisa at suporta ng mga magsasaka, lokal na pamahalaan, at katuwang ng institusyon. Inaasahan na ang tagumpay ng selebrasyong ito ay magsisilbing daan upang higit pang mapalalim ang ugnayan at mapagtibay ang pagtutulungan tungo sa masagana at sustenableng agrikultura para sa Bagong Pilipinas.

ABFS Implementation Team for Region IVB - Soils Survey Division

Bureau of Soils and Water Management - Department of Agriculture of the Republic of the Philippines published this content on March 12, 2026, and is solely responsible for the information contained herein. Distributed via Public Technologies (PUBT), unedited and unaltered, on March 12, 2026 at 00:34 UTC. If you believe the information included in the content is inaccurate or outdated and requires editing or removal, please contact us at [email protected]